Saturday, December 21, 2013

Pasensya na

Pasintabi, mananagalog lang ako.

Lumayo muna tayo sa pagkain at pagusapan itong dyaskeng Binay issue na 'to.

Pero onting pagbabalik tanaw muna. 2003 noong sayangin ko ang pera ng tatay ko at magsinungaling sa US immigration na nagdadamo ako kahit ayoko ng gulay.

Ayokong umalis ng Pinas noon, kasi, 'di ba, masaya sa Pinas e. Onting kayod lang, ayos ka na, buhay ka na. Enjoy ka pa.

Taong 2012 noong tawagin ako ng nirerespeto kong katrabaho sa pamahayagang pang-kolehiyo na pumarine na Dubai. Halos isang dekada akong namumuhay ng madali at maaliwalas sa Pinas pero, ika ko, "Tunatanda na ko, bakit 'di ko subukan?"

At sinubukan ko. Ay pare mahirap dito. May pera oo, pero para lang sa mga taong may kapabilidad. Nagulat ako rito na may mga taong pumapatol sa kinse mil pesos kada buwan, sweldong hindi ko maatim mula nang 2010.

Pero ayos dito. Wala kang kabang manakawan, wala kang kabang ma-gancho. Takot lang ng mga sira-ulo ritong makulong. Noon una, kapit na kapit ako sa mga paga-ari ko, pero kalaunan, nasanay na rin akong mag-iwan ng cellphone sa kape-han ng walang takot.

Ayos na? Naipinta ko na ba 'yung pagkatao kong ayaw umalis ng Pinas pero napagtantuang OK din naman pala sa ibang bansa?

Ayos na no pre?

Ayos nga talaga pre, sana lang, hindi ko nababalitaan yung mga kaululan ng mga taong namamahala sa Pinas.

Pards. Bikolano ako, galing ako sa Typhoon Strip ng Gubat, Sorsogon. Batak ako sa baha at sakuna. Pero, ewan ko pre, iba 'yung Yolanda e. Halos dalawang buwan akong hindi mapakali kahit ayos naman lahat ng kamaganak ko. Hindi ako napakali kasi, peste, pinakamalakas na bagyo 'yun na lumapag sa lupa. Hanggang ngayon hindi ako naglalagak ng pagkaing post sa Facebook kahit linggo linggo akong nagluluto.

Tapos, mababalitaan mong 'yung bise presidente mo, nagrepack ng relief goods na me mukha n'ya? At namulitika muna ng DILG secretary bago tumulong, kasi hindi n'ya maalis ang mga labi n'ya sa tumbong ng presidenteng walang political will?

Me mukha at selyo n'ya men.

Wow naman.

So ayos, nagmaktol ako sa Facebook, nagpakalat ng mga kahunghangan n'ya, pero una kong inisip, makatulong. Ayos, sige, bahala ka na Kokey, trip mo 'yan e.

Lumipas ang ilang buwan. Ayos na, naka-focus ako sa relief operations eh, bahala na lahat ng gahaman. Tulong na lang.


Tapos, ito. 'Yung anak ni Kokey, dahil hindi pinalabas sa gate ng isang subdivision na tinitirhan ng mga alte-de-cuidad na mga politiko at celebrity, dinuro-duro 'yung mga walang kalalabanlabang mga sekyu na ginagawa lang ang mga trabaho nila.

Pards, ako man, ilang beses na nabadtrip sa mga sekyu.

Pero pards, hindi ko sila pina-aresto.


Ang siste kasi rito sa UAE, isang bansa sa gintant silangan, kahit sino ka pa, mananagot ka sa batas. Putek, mga pulis dito pards 'pag nakita kang susuray-suray sa kalsada, hihintuan ka para ihatid ka sa bahay mo.

Tapos ikaw pards, mayor ka pa lang, walang isangdaan at kalahating metro sa gate na pwede mong daanan, magtatawag ka na ng mga bata mo para hulihin 'yung mga taong ginagawa lang mga trabaho nila?

Tapos, kinabukasan, sasabihin mong sinisiriaan ka lang nung publikasyong naglabas ng kaangasan mo?

Pero pards. sa totoo lang, ngayon gasgas na 'tong tono ko eh.

Alam naman na naming lahat na ganyan talaga sa Pinas.

Pero pards, alam mo kung ano ang sanhi ng "brain drain" sa Pinas?

Alam mo ba kung bakit 'yung mga pinakamamatalino at pinaka-skilled mong mga kababayan eh hindi sa bansa natin nagt-trabaho?

Dahil sa mga tulad mo pards.


Hinding hindi gagawin ng mga OFW ang ginawa ng South Korea na bumalik sa bansa nila para pagyabungin ito.

Babalik kami d'yan tapos ano? Pagkakakitaan n'yo mga paghihirap namin nang wala man lang kaming nakikitang pagbabago?


Hihimukin mong magbalik-Pinas iyong mga doktor, arkitekto, inhinyero, siyentipikong naninirahan sa Saudi, UAE, Qatar, USA, Canada, Singapore, Kuwait, Honk Kong atbp. na bumalik sa Pilipinas para kumita ng kakarampot kumpara sa kinikita nila habang pinapayaman ang mga pulitikong namamahala sa bansa?

Pards, alam naman namin e.

Alam namin na hanggat hindi naeeduka ang karamihan ng Pilipino, walang pag-asa ang mga tulad naming basang basa mga banat n'yo para baguhin ang bansa.

Na hangga't may nagbebenta ng boto sa halagang dalawang-daan, hangga't hindi maintindihan ng otsenta porsyento ng bansa na hindi si Erap ang kasagutan, hanggang Facebook, Twitter, Tumblr atbp. na lang kami.

Pero pards, masakit 'yung kaalaman na 'yun.




Ubusin man namin pera at oras namin, hindi kami mananalo sa inyo, kasi, kayo ang perpektong ehemplo kung bakit PUTANGINA LANG PINAS.