Merong mga bagay na ‘di ko maintindihan, tulad bakit “Para” and sinasabi sa dyip, e salita nama’y wala namang pinaggalingan. O bakit mga dyipni drayber eh halos lahat may kiling pa-kanan, para ba madaling makahipo sa tsiks na maganda, o sanayan lang?
Pero, nasa dyip na rin naman tayo, ‘di ba ang byaheng ito’y napaka-Pinoy? Sapo bawat alikabok, usok at ingay ng maalingasaw na kamaynilaan…
Dama bawat hapo ng puro trabahong magdamag, amoy putok, baktol at anghit ng mga taong pawis na pawis sa trabahong tanging mahahatid sa hapag kainan eh itlog na pula, kamatis at tuyo, ‘di alintana na bawat hapagkainan, mapa-tanghalian o hapunan…nakahain eh pang-almusal (tuyo, sardinas, itlog, itlog na pula) pa rin lamang.
May makikita kang natutulog, halatang dalawa ang trabaho. Umiindayog ang ulo, sabay sa bawat arangkada’t preno ng Japan-surplus na makina. May nagdarasal ng rosaryo (umoonti na sila, oo), pikit mata’t kibit balikat na nananalangin na sana’y maayos ang anak o asaw nila sa Saudi (o Dubai, Hong Kong, Vietnam, Korea, TNT sa Amerika, Canada at Britanya). Nanginging ang labi, nagpupumiglas ang mga salita ng bawat Ama Namin o Aba Ginoong Maria, tapos, mai-istorbo ng lasing na katabi, ngunguyain namang salita’y mga mura’t parinig. Hahaha.
‘Yung lasing, lima ang anak, isang taon ang agwat ng mga gulang, pahinante sa pier at 200 lang ang kita sa araw. Sa lumo at salimuot, pipiliing i-ambag na lamang ang singkwenta ng kita sa isang araw para sa Gin, kalamansi. Pulutan? Sipol at hinagpis. May estudyanteng naka-uniporme nga, sa mall naman ang punta, makikipag-deyt ‘ata kay Bheybs. Buhok na kala mo adik ‘yung gumupit, ‘di pantay pantay ang tabas, kala mo’y dinilaan ng kalabaw sa lagkit at tigas. At ang uniporme: and bantayog ng hustisya at pagkakapantay-pantay sa eskwela. Kaya nagu-uniporme and kabataan eh para hindi malaman ang estado mo sa buhay, para hindi ka maiba sa mas may kaya mong kaeskwela. Pero si boy, may kulay itim na pangloob, may nakatatak pang Sex Pistols eh baka nga hindi pa nagkakakilala mga magulang n’ya nuong sikat ang bandang ‘yon. Mga itim na purselas na puro bungo, may swastika pa, kilala n’ya kaya si Hitler? Sapatos na Converse, 300 sa Cartimar, tatlong buwang pinag-ipunan, dalawang buwang gamitan.
Byahe sa dyip. Ma-alog, masikip, mainit. Huntahan ng magkaklase’y dinig na dinig. Nanliligaw ka’y inday, ‘di magkaumayaw sa kate-teks.
Siyete singkwenta lang, may tatlumpung minuto ka nang teleserye. May magkasintahan naga-away. May batang pinapagalitan na “Huwag mong ilabas ang kama’y mo’t baka maputol ‘yan!”. May Biglang sasampang nagbebenta ng kendi at Stork, saba’y kanta o hirit ala Mike Enriquez.
Pero ‘di naman laging bad trip mga ma-uulanigan mo sa dyip. Minsan, may nakakatuwa rin at nakakaganang tagpo na sisiguraduhing nakangiti ka ‘pag sabi no ng “Para”. May drayber na panay ang sulyap sa salamin n’ya, dahil duon, nakadikit ang litrato ng asawa’t anak n’ya. Alam mong daig ng ngiti ng maybahay at ni dyunyor ang tindi ng Cobra, Extra Joss o Lipovitan. Puting puti ang Good Morning towel na nakasampay sa balikat n’ya. Kahit manipis at luma na, dahil sa alaga ni kumander e pwede pa.
May estudyante’ng subsob sa kababasa ng Nursing Fundamentals, hindi para lumipad tungong Europa, pero para magmedisina at ma-assign sa Marinduque. May binata’ng naka-iPod, padala ni Papa, pinapanuod ang daily Podcast: bidyo ng bati’t paalala ng ama galing Singapore. May batang sobrang bibo at talino, matanong sa inang hindi na magka-umayaw sa pagsagot sa makulit na anak, pero tuwang tuwa dahil alam n’ya, kandong kandong n’ya ang pagasa ng bansa. May tindero ng taho na tapos na ang araw, uuwi na, ang pera’y hiwa-hiwalay na: 100 para kay misis, pambili ng hapunan. 30 para sa panganay, baon kinabukasan. 20 kay bunso, na top one sa klase n’ya sa elemntarya. at kinse pambili ng pansit, para salubong ng mga bata’y puno ng ngiti at sabik.
May lalaking hinahatid and gelpren pauwi, kahit sy’ay taga-Valenzuela at sinisita’y taga-Cavite, hindi padupuan kahit sa lamok ang sintang mala-sanggol ang tulog dahil pagod sa duty sa pampublikong ospital. ‘Yung binata; naka-uniporme pa ng Jollibee, pero may dalang T-Square at mga libro sa Geometry. Saludo ako sa mga ganito: Pinoy magmahal, Pinoy ang t’yaga. Parang dyip, oo reject man ang makina sa Japan, pinagi-ige pa rin para pagkakitaan.
Habang tindi ng kapit mo sa estribo, habang kabado ka sa mukhang holdaper sa tabi mo, ‘di mo alam, puwede ka nang ipinta ng mga maestro o iguhit ng mga kartunista dahil nasa eksena kang perpektong simbolo ng kung ano ang Pilipino.